Nagnegatibo sa paraffin tests o indikasyon na maaaring hindi nagpaputok ng baril ang pitong pulis ng Ormoc CIty, Leyte na persons of interest sa nangyaring pamamaril kay Albuera, Leyte mayoral candidate Kerwin Espinosa.

Sa kabila nito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief Police Colonel Randulf Tuaño, na patuloy na iimbestigahan ang pitong pulis dahil mayroon umanong mga paraan para magnegatibo sa paraffin tests, ayon sa ulat ni  Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Martes.

Kabilang umano sa mga paraan na ito ang paghuhugas ng kamay gamit ang kemikal, o pagsusuot ng gloves kapag nagpaputok ng baril.

Nananatiling under restricted custody ang mga pulis habang patuloy ang imbestigasyon. Maaari silang maharap sa mga kasong may kaugnayan sa illegal possession of firearms dahil sa nakuha sa kanilang 10 baril, na siyam ang walang record.

Binaril at nasugatan si Espinosa habang nangangampanya noong Huwebes ng hapon.

Sugatan din si vice mayor Mariel Espinosa Marinay at isang menor de edad.

Una nang sinabi ni Police Brigadier General Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP na nakita ang mga pulis na naka-sibilyan sa loob ng isang compound kung saan nagpunta ang getaway vehicle na sinundan sa hot pursuit operation.

“Nagsagawa po tayo ng pursuit operation dahil may isa po tayong motor vehicle in interest, isa pong Montero, na diumano umalis po kaagad doon sa site noong mangyari po yung insidente,” ani Fajardo.
“Nasundan po ito kaagad. Pagpasok po ng compound may naabutan po doon na mga pulis po,” patuloy ng opisyal.

Nakatalaga ang mga naturang pulis sa Ormoc City Police Station, ayon kay Fajardo. Dalawa sa kanila ang opisyal at non-commissioned officers naman ang lima.

Dalawang sasakyan ang nakita sa compound, at nakita sa mga ito ang ilang baril. —FRJ, GMA Integrated News