Dinarayo ng mga deboto tuwing Semana Santa ang Our Lady of Lourdes dahil sa pagiging mapaghimala umano nito sa Misamis Oriental. Bukod dito, mayroon ding tradisyon na nakapagpapagaling umano ng sakit na kung tawagin ay Patunob, o pagpapatong ng imahen ng Birheng Maria sa ulo at balikat ng deboto.
Sa programang Unang Hirit nitong Martes, isa sa mga kuwento ng pag-asa ang nangyari kay Patricia Bajao, 62 anyos, na pinaniniwalaang gumaling ang kaniyang head injury dahil sa patunob.
Nakuha umano ni Bajao ang kaniyang seryosong head injury noong teenager pa lamang siya.
Hindi raw inakala ni Bajao na mapagagaling ng kaniyang pananampalataya at ng patunob ang pinsalang tinamo niya sa ulo na naglagay sa kaniyang buhay sa alanganin.
"Natamaan at nauntog ako sa bintana. Nalaman kong may crack sa ulo noong nagpa-xray ako pero hindi ako nagpa-admit sa ospital. Sa Mahal na Birhen ako humingi ng tulong. Sa gamot niya ako gumaling. Simula noon hindi na sumakit ang aking ulo," sabi ni Bajao.
Pinaniniwalaan na 1960's pa nagsimula paniniwalang patunob o healing ritual na ginagawa sa isang simbahan sa Binuangan, Misamis Oriental.
"Sabi nila, parang you're under the mantle of the Blessed Virgin Mary. Tunob means to step on. 'So, tunob ka sa Iyaheng Maria,' mas konektado ka sa Iyaha. Dito at dito (balikat), it represents the whole body of a person," paliwanag ni Fr. Enerio Tacastacas, Parish Administrator ng Archdiocesan Shrine of our Lady of Lourdes.
Naniniwala si Bajao na patunob ang dahilan kaya milagrosong nawala ang kaniyang head injury.
Naglilingkod na siya ngayon sa simbahan bilang isang patunog healer bilang pasasalamat sa Panginoon at Iyaheng Maria.
Si Mylin Maguan naman na dalawang taon nang patunob healer, nakasaksi na ng maraming kuwento ng himala.
"Taga-Bukidnon, nanggaling silang ospital tapos pinalabas na sila nakasakay ng wheelchair. Bata man 'yun siya. Tapos dinala dito. Ilang buwan ma'am bumalik sila. 'Ma'am, ito po 'yung bata na akala namin mawawala na.' Tumatayo 'yung mga balahibo ko noon ma'am," kuwento ni Maguan.
Maliban sa patunob healing ritual, dinarayo rin ang healing pool ng simbahan na pinaniniwalaang nakagagaling din.
Si Exuperio Sagado Sr, 71-anyos at mula sa Cagayan de Oro, naniniwalang gumaling ang spinal cancer dahil sa kaniyang pagligo at pag-inom sa healing pool ng Our Lady of Lourdes.
Mismong ang Birheng Maria raw ang nagpakita at nagsabi sa kaniya na maligo siya at uminom ng tubig sa swimming pool.
"The Virgin Mary has a special intimate relationship with the Lord. Because of that, we come to the Lord through the Virgin Mary. Because we believe that since she is very close to the Son, she will bring our prayers to Jesus Himself, her Son," paliwanag ni Father Tacastacas.-- FRJ, GMA Integrated News