Laking gulat ng isang lalaki sa Angeles City, Pampanga nang matuklasan niya na totoo pala na kayang mabuhay muli ng mga "monster fish" na janitor fish kapag ibinalik sa tubig kahit matagal na itong nasa lupa at natuyo na.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ni James Orozco, na nanghuhuli sila ng isda sa isang ilog nang makita nila sa lupa sa tabi ng ilog ang tila patay nang mga janitor fish.
Bukod sa tuyo na ang mga ito, matitigas na rin sila.
Hanggang sa naalala ni Orozco ang napanood niya sa video na kaya raw muling mabuhay ng mga "patay" nang janitor fish kapag ibinalik sa ilog.
Kaya naman naglagay si Orazco ng tatlong matigas na janitor fish sa ilog.
Maya-maya lang, isa sa mga janitor fish ang nagsimulang gumalaw at mabilis na nakalangoy palayo sa kaniya papunta sa malalim na bahagi ng ilog.
Habang ang dalawa, nagsisimula na ring huminga pero minabuti niyang alisin na muli sa tubig upang hindi na makabalik sa ilog.
Batid kasi ni Orazco na invasive species ang mga janitor fish at naapektuhan nila ang mga lokal na isda sa ilog.
"Kasi nawawala na yung sarili nating mga isda dito," sabi ni Orazco.
Pero paano nga ba "nabubuhay" muli ang mga janitor fish kahit matagal na silang wala sa tubig?
Paliwang ni Kuya Kim, ang mga janitor fish ay tinatawag na Pterygoplichthys o suckermouth armored catfish.
Tinawag silang mga janitor fish dahil kinakain nila ang mga lumot at mga dumi kaya mistulang nililinis nila ang tubig.
Native o nagmula sila sa South America, at hindi pa malinaw kung paano sila nakarating sa Pilipinas.
Dahil wala silang natural predator, mabilis silang dumami, at nagiging banta sa mga native na isda sa mga ilog sa Pilipinas.
Kaya naman peste ang turing sa kanila.
Kayang mabuhay ng janitor fish ng hanggang 30 oras o mahigit isang araw kahit wala sila sa tubig.
Ang kanilang oxygen, kaya nilang iimbak sa kanilang tiyan para makaligtas kahit wala sa tubig nang mahabang oras. -- FRJ, GMA Integrated News