Nauwi sa pamamaril ang gantihan sa pag-cancel ng kanta sa isang videoke bar sa Santa Barbara, Iloilo, na ikinasawi ng isang lalaki.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Zone 4 kaninang 2:00 ng madaling araw.
Ayon kay Police Captain Raffy Seneres, hepe ng Santa Barbara Police, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na kumakanta ang biktima nang biglang i-cancel ng suspek ang tugtog para siya naman ang makakanta.
Kaya naman nang kumakanta na ang suspek, gumanti ang biktima at kinansel din nito ang kinakanta ng una.
Iyon ang nakikitang dahilan ng pulisya kaya pinagbabaril ng suspek ang biktima na aabot sa apat na tama ng bala ang tinamo.
Ayon pa sa pulisya, wala namang dating alitan ang biktima at suspek at doon lang nagkita sa ktv bar ang dalawa.
Tumakas ang suspek na patuloy pang pinaghahanap ng pulisya.-- FRJ, GMA Integrated News