Kahit nahihirapan at nabibigatan, hindi sumusuko ang isang mister na pasanin ang kaniyang misis na hirap nang makalakad matapos na maputulan ng binti dahil sa dibetes sa Pastrana, Leyte.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita kung gaano kahirap ang pagpasan ni Roberto Dacles sa kaniyang misis na Arlene Mercado, lalo na sa kanilang dinadaanan na madulas at maputik.
Papunta noon sa health center sina Roberto at Arlene upang kumuha ng libreng gamot. Ngunit kailangan munang isama ni Roberto ang asawa dahil kapapanganak lamang ng kanilang bunso at walang ibang mag-aalaga kay Arlene.
May bigat na 57 kilos o katumbas ng mahigit isang sako ng bigas, gumagamit si Arlene ng isang artificial leg. Pinapasan ni Roberto si Arlene gamit ang tila harness.
Maraming beses na rin silang natumba sa tuwing dumadaan sila sa palayan. May ilang pagkakataon na kailangang huminto ni Roberto para maghabol ng hininga dahil may kabigatan ang kaniyang misis.
Inabot ng 20 minuto ang mag-asawa bago sila makarating sa kalsada na papunta sa health center.
Paggagapas ng palay at damo ang ikinabubuhay ni Roberto. Dati niyang katulong si Arlene sa bukid.
Ngunit 2022 nang mapansin nilang namanhid, at nagkabukol at nagkaroon ng mga sugat ang paa ni Arlene. Dahil sa kakapusan sa pera, hindi na nila ito naipasuri sa doktor.
Hanggang sa lumala pa ang sugat sa paa ni Arlene.
"Mabaho po tapos nilalanggam po siya. Nangigitim siya tsaka namamaga. Masakit po, hindi po ako makalakad nang maayos," anang ginang.
Hanggang sa lagnatin, nahirapang huminga at kinombulsyon pa si Arlene. At nang magpatingin sa duktor, noon nalaman na mayroon siyang Type 2 Diabetes.
Ayon kay Arlene, malala na ang kaniyang sugat sa paa na maaari pang humantong sa kaniyang kamatayan. Kaya inirekomenda ng duktor na putulin na ito. Labag man sa kaniyang kalooban, pumayag siya.
"Bakit si mama pa? Mahirap lang kami, napunta pa sa amin 'yon," sabi ni Rubie Jane Dacles, anak nina Arlene at Roberto.
"Masakit sa kalooban ko na mawawalan po ako ng paa. Nalulungkot kasi hindi na maibabalik sa dati, ganito na lang po ako habambuhay. Gusto ko pa pong gumaling, gusto ko pa pong kasama ang buong pamilya ko," sabi ni Arlene.
Sa kabila nito, hindi nawalan ng pag-asa si Arlene at siya pa rin ang nag-aasikaso ng kanilang maliit na tindahan, taga-laba ng kanilang maruruming damit, at taga-alaga ng anak ni Rubie Jane.
Ayon kay Roberto, nakaranas ng depresyon si Arlene dahil sa kaniyang kalagayan kaya lagi niyang ipinapaalala sa asawa na, "nandito kami ng mga anak mo, hindi ka namin iiwanan."
Linggo-linggo rin daw silang nagsisimba upang magdasal at hilingin sa Diyos na bigyan ng lakas ang kaniyang maybahay.
Sa tulong KMJS, at mga taong may mabubuting kalooban, naipasuri si Arlene sa duktor, nabigyan ng bagong prosthetic leg, mga grocery at iba pang tulong.
Kaya naman hindi napigilan ng mag-asawa na maiyak sa tuwa.
May mensahe rin sa isa't isa ang mag-asawa.
"Hindi ako magsasawa sa iyo na buhatin ka, alagaan ka," ani Roberto.
"Salamat sa pag-aalaga mo at pagsasakripisyo sa akin, mahal na mahal kita," tugon naman ni Arlene. -- FRJ, GMA Integrated News