Nasawi ang isang lalaki sa Calasiao, Pangasinan matapos siyang bumangga sa poste habang nagbibisikleta. Ang biktima, mabilis ang takbo upang makalayo sa aso na humahabol sa kaniya.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Julius Palara, 41-anyos, residente ng Barangay Banaoang.

Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) camera, makikita na biglang sumulpot ang aso sa kalsada at hinabol ang biktima hanggang sa bumangga sa kongkretong poste at tumama ang kaniyang noo.

"Hindi niya namalayan na ang poste ang papatay sa kaniya. Mabilis kasi ang takbo, sa kakatingin niya sa aso, hindi niya namalayan na sasalpok [na siya] sa poste," ayon kay Arnulfo Palara, kaanak ng biktima.

Nakita na lang ng mga residente ang biktima na duguan na nakatumba sa tabi ng bisikleta.

"Pinuntahan at inalam [namin] kung anong nangyari, ‘yun pala tumama sa poste, natamaan ang ulo niya [kaya siya] namatay," sabi ng barangay kagawad na Robert Diocares.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari sa aso na humabol sa biktima.

"Sana ‘yung mga aso niyo, itali niyo para hindi makapanakit ng ibang tao," sabi ni Palara. --FRJ, GMA Integrated News