Nasawi ang isang walong buwang buntis matapos siyang makuryente nang tulungan ang inang nakuryente rin sa Diadi, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagwawalis noon sa paligid ng isang water pump ang ina ng buntis nang makuryente ito sa Barangay Arwas.

Tinulungan siya ng anak, ngunit nakuryente rin ang biktima.

Dinala sa ospital ang mag-ina, ngunit dead on arrival ang buntis.

Nagpapagaling sa kasalukuyan ang kaniyang ina.

Lumabas sa imbestigasyon na tatlong araw nang hindi gumagana ang water pump at posibleng nabasa ang linya ng kuryente dahil sa pag-uulan na hatid ng bagyong Enteng. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News