Ang simpleng video recording para sa roller coaster ride ng isang TikToker, biglang naging viral content na kinaaliwan ng netizens dahil sa kakaibang nangyari nang malaglag ang cellphone at bumagsak sa grupo ng mga lalaking tambay.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video footage ng TikToker na si Jericho V., na nag-e-enjoy sa kaniyang roller coaster ride sa isang amusement park sa Pampanga.

Pero sa kalagitnaan ng kaniyang kasiyahan, nabitawan niya ang cellphone habang nagre-record, at bumagsak sa harapan ng grupo ng mga lalaking tambay na nasa ibaba.

Ang mga tambay, pinulot ang cellphone at ipinagpatuloy ang pagkuha ng video na makikita ang kanilang mga sarili.

"Nalaglag mo 'te! Nalaglag mo ang cellphone mo," sabi ng isang lalaki.

Bukod doon, nag-iwan pa ng payo ang mga lalaki sa may-ari ng video na kanila ring ini-record na ikinatuwa ng netizens.

"'Yan kasi, hawakan mo [nang] mabuti [cellphone mo] sa susunod. Paano kung sa semento nalaglag e 'di basag," paalala nila.

"Look, listen and learn," sabi pa ng grupo.

Ang cellphone, nakuha naman ni Jericho nang makababa na siya roller coaster.

Umani ng paghanga mula sa netizens ng grupo ng mga tambay, at may mga humirit ng part 2 ng video.

Aminado naman si Jericho nahiya sa nangyari pero malaki ang malaki ang kaniyang pasasalamat  na nahulog ang kaniyang cellphone sa mabubuting kamay.--FRJ, GMA Integrated News