Hindi lang isa, kundi dalawa umano ang araw na nakuhanan ng isang residente na palubog sa South Cotabato. Posible nga ba itong mangyari?
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Lean Leonel Bastareche, na ipinagtaka niya nang kunan niya ng video ang papalubog na araw, at makita niya na tila dalawa ito sa magkabilang panig sa Koronadal.
Sa video ni Bastareche na naging viral na sa social media, kapansin-pansin na mas maliwanag ang isang araw kumpara sa isa.
Pero ayon kay Kuya Kim, imposible na maging dalawa ang araw dahil iisa lang ang araw sa ating solar system.
Kung magkakaroon ng dalawang araw, maaapektuhan umano ang gravity at ang pag-orbit o ikot ng mundo.
Paliwanag ni Mario Raymundo mula sa PAGASA, posibleng atmospheric optical illusion ng araw ang nakuhanan ng video sa Koronadan.
"It's an atmospheric phenomena. 'Yung mga sinasabi na sun dog," saad ng eksperto.
Nangyayari umano ang atmospheric optical phenomenon kapag ang liwanag ng araw ay makikita sa magkabilaang bahagi nito.
Dahil ito sa refraction ng sinag ng araw sa ice crystals sa atmosphere o himpapawid.
"Reflected sunlight ito na tumatama sa atmosphere. The moment na lumubog o kaya naman ay sumikat ang araw, depende doon sa number o present na ice particles ay nagbibigay siya ng mga ganoong mga image," paliwanag ni Raymundo.
Makikita umano ang sun dogs sa tinatayang 22° sa kanan at kaliwa, o magkabilaang bahagi ng araw.
Tinatawag din itong mock sun o parhelia dahil halos magkapareho ng kulay ang sun at sun dog.
"'Yung nangyari kasi sa Koronadal is very rare," sabi pa ni Raymundo. —FRJ, GMA Integrated News