Inakala ng isang babae na dulot lamang ng kaniyang pagbubuntis ang naranasan niyang extreme morning sickness at nakapang bukol sa lalamunan. Ngunit nang ipasuri sa mga doktor, dito niya nalamang sintomas na pala ito ng cancer.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nakaranas si Caitlin McAlinden ng mga extreme umano na sintomas ng pagbubuntis, gaya ng pagiging antukin at morning sickness.
Pagsapit ng ikawalo niyang buwan ng pagbubuntis, may kakaiba siyang naramdaman.
“I remember Christmas Day, falling asleep on the sofa and waking up with a really sore neck. I thought I’d just slept funny, but I started massaging my neck. That’s when I found a lump, about the size of a pea,” sabi ni McAlinden.
Inakala niyang dulot pa rin ng kaniyang pagbubuntis ang nakapang bukol sa lalamunan.
Ngunit nagpasiya siyang magpasuri, hanggang sa matuklasang sintomas pala ng cancer ang kaniyang extreme morning sickness.
Base sa pagsusuri, mayroon siyang stage 1 Hodgkin lymphoma, isang uri ng cancer sa immune system ng tao.
Inilahad ng mga doktor na marami sa mga nagkakaroon ng naturang sakit ay may kondisyong nagpapahina sa immune system.
Sa kabutihang palad, madali itong magamot, at hindi kailangan ni McAlinden ng surgery. Inaasahan ding hindi nito maaapektuhan ang kaniyang pagbubuntis.
Sa kasamaang palad naman, hindi mabe-breastfeed ni McAlinden ang kaniyang sanggol at kailangan niyang sumailalim agad sa chemotherapy matapos manganak.
Sa kabila ng kaniyang natuklasan, nananatiling positibo si McAlinden at umaasang malalagpasan ang pagsubok alang-alang sa kaniyang baby boy. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News