Matapos ibilad sa araw ang kawali ng ilang minuto, nakapagprito na umano ng hotdog at isda ang isang content creator sa Negros Occidental.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video ng gawa ng content creator na si Miss Popcorn.
Ayon kay Miss Popcorn, 20 minuto raw niyang ibinilad sa init ng araw ang kawali sa gilid ng daan bago niya nilagyan ng mantika.
Nang ilagay niya ang hotdog naluto umano ito. Tumatalsik naman ang mantika nang ilagay naman niya ang isda.
"Naramdaman ko talaga yung init, pumapasok sa loob ng bahay, ang init niya talaga," sabi ng content creator na makikita sa video na hirap hawakan ang hawakan ng kawali dahil umano sa init.
Sabi rin niya, katuwaan lang ang ginawa nilang eksperimento at hindi niya hinihikayat ang ibang tao na magluto talaga sa labas gamit ang init ng araw.
Pero sinabi ni Dr. John Manalo, weather specialist ng PAGASA, hindi sapat ang init ng araw para makapagluto gaya ng nasa video.
Ngunit may mga pagkakataon daw na puwede talagang makaluto gamit ang init ng sinag ng araw.
"Kung talagang efficient yung structure ng ganyang material, talagang na-corner niya yung heat niya para makaluto, puwede po," saad ni Manalo.
Naitala noong 1912 at 1969 ang all time high na init sa bansa na umabot sa 42.2 degree Celsius na naramdaman sa Tuguegarao, Cagayan.
Pero ang ganitong kataas na temperatura, hindi pa rin daw sapat para makapagpakulo ng tubig na kailangang umabot sa 100 degree Celsius. -- FRJ, GMA Integrated News