Ipinamalas ng mga estudyante sa isang unibersidad sa Lobo, Batangas ang kanilang pagiging malikhain sa ginawang pangmalakasang anti-cheating headgear para sa kanilang pagsusulit.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing umani ng paghanga mula sa online communities at educators ang mga ginawang headgear ng mga estudyante ng Batangas State University - Lobo Campus.
May mga headgear na mistulang pang costume party, pang-cosplayer, may disenyong pambukid gaya ng nipa hut, magsasaka, hayop, at may chainsaw pa.
"Hindi ko po in-expect na ganoon po ang todo effort po ng mga estudyante, mga future agriculturist 'yun po ang tawag ko sa kanila, para ma-manifest po nila sa sarili nila na sila ay magiging lisensyadong agriculturist," sabi ni Angelo Ebora, guest lecturer.
Dahil sa nakitang effort ng mga estudyante, sinabi ni Ebora na binigyan niya ng bonus points ang mga estudyante.
Sinabi rin ni Ebora na ipinagawa niya ang paandar sa naturang pagsusulit para mabawasan ang pressure ng mga mag-aaral at maituro din sa kanila ang kahalagahan ng pagiging patas.
"Sabi ko po hindi po mapapantayan ng limang puntos 'yung appreciation po ng tao sa kanila I really want na ma-realize nila din, hindi lang nila kundi ng estudyante na walang cheat skill, wala pong cheat code sa buhay ng tao," sabi ni Ebora. -- FRJ, GMA Integrated News