Patay ang isang walong taong gulang na lalaki na sumalubong sa Bagong Taon matapos siyang masagasaan at makaladkad ng motorsiklo sa Minglanilla, Cebu. Ang arestadong rider, umaming nakainom.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang batang lalaki na tumatawid sa kalsada, ilang minuto matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Pagkaraan lamang ng ilang sandali, nasagasaan siya at nakaladkad ng motorsiklo. Sa ospital binawian ng buhay ang biktima.

Sinabi ng nanay ng bata na hindi nila namalayang lumabas ng bahay ang kanilang anak.

Timbog ang rider, na sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Tumangging humarap sa media ang lalaki, ngunit sinabi ng pulisya na umamin ang suspek na nakainom siya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News