Nakuhanan ng video ng isang babae ang kusang pag-ilaw ng kaniyang light lamp kahit na wala namang tao na gumagalaw nito. Ang mga nakatira sa bahay, nararamdaman na may kasama silang kakaibang nilalang, na kinumpirma ni Ed Caluag.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ipinakita ang Tiktok video ni Hannah Isabelle Rogelio nang mahuli-cam ang biglang pagbukas ng light lamp sa kaniyang likuran.
"While I was filming nakita ko po sa mirror na nagbukas 'yung light lamp sa likod ko. Tinignan ko po if there was anything doon sa lamp. Tapos wala naman po," sabi ni Hannah.
May pagkakataon din daw na kusang gumagalaw ang kanilang pintuan.
"Naririnig po namin na naglalakad or may magdadabog sa roof. Late at night po magbubukas ang pinto," sabi pa ni Hannah.
Naranasan naman ni Patricia Cuevas, pinsan ni Hannah, na bumubukas ang pinto kahit nakalapat naman at hindi matutulak ng hangin.
Nararamdaman ng magpinsan ang lakas umano ng enerhiya ng kakaibang nilalang na kasama nila sa bahay.
"Kapag nandito po kami lahat sa baba, walang tao sa taas, we would hear footstep," sabi ni Hannah.
Sinuri ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang bahay nina Hannah. Kaagad siyang nakarinig ng boses na parang "parang humihinga at umiiyak."
Kuwento ni Hannah, bago tumira ang kaniyang mga magulang sa bahay, may caretaker umano na namatay sa bahay.
Paglalarawan ni Ed sa kakaibang nilalang nakikita niya, "Hindi ko alam kung nasunog ba siya or, kasi parang ang daming niya dito, mantsa. Para sa aking mukhang matandang babae."
Ayon kay Hannah, matagal na ang bahay ay dalawang beses na itong nasunog at hindi pa muling napapabendisyonan.
Sabi ni Cuevas, babae na nakaitim ang kaniyang nakikita sa bahay.
Para ipiliwanag naman ang misteryo sa pagsindi ng ilaw, ipinakita ni Ed ang lamp light na may maririnig na tunog kapag binuksan o sinindihan, gaya nang nairehistro sa video nang mahuli-cam ang pagbukas ng ilaw.
Sa video, walang makikitang ibang tao na malapit sa lamp light nang bumukas ang ilaw nito pero madidinig ang tunog na tila may pumindok.
Hinala ni Ed, poltergeist o mga espiritu na may kakayahang magpagalaw ng mga bagay ang nasa bahay nina Hannah.
"With or without clicking this on-off button, kaya po nilang magpailaw ng mga dekoryente kasi static po sila. Made up of static yung mga spirits. So, meron silang enerhiya na kayang magpailaw o magpatay," sabi ni Ed.
"Sa tagal na rin nila dito, na-familiarize na sila sa lugar. So, kumbaga, ang isang spirits kasi, the more na tumatagal yan sa isang lugar, nagkakaroon siya ng connection sa mga bagay," dagdag pa ng paranormal investigator.
Hinala ni Ed na naging lagusan sa mundo ng espiritu at mundo ng tao ang mga salamin na nasa hagdanan ng bahay. Kaya naman inirekomenda niya na alisin o ilipat nina Hannah ang naturang salamin.
Pero bakit hindi puwedeng galawin ni Ed ang salamin at siya na ang maglipat? Alamin sa video ang paliwanag niya sa ganitong sitwasyon. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News