Timbog ang isang grupo ng mga kawatan sa isang kalsada sa London dahil sa pa-victim na drama ng isang undercover cop habang nagtatago ang kaniyang mga kasamahan na pulis.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa kuha ng CCTV ang undercover cop na naglalakad sa gilid ng kalsada at may kasabay na isang lalaki na tila nakikipag-usap sa kaniya.
Mapapansin na nakataas ang manggas ng suot na blazer ng undercover cop na tila ipinapakita ang kaniyang relo.
Ilang saglit pa, makikitang hinarang na ng mga lalaking naka-hoodie ang undercover cop at ang kasabay nilang lalaki, na kasabwat din pala ng grupo.
Kinuyog ng grupo ang undercover cop at pilit na kinukuha ang kaniyang relo.
Ngunit hindi alam ng mga magnanakaw na pulis ang kanilang binibiktima, at nakatago lang ang kaniyang mga kasamahang pulis na nagmamanman sa grupo.
Nang kuyugin na nila ang undercover cop, naglabasan na ang mga pulis at dinamba ang mga nagtakbuhang kawatan.
Ayon sa pulisya, gumawa sila ng taktika para mahuli ang mga kawatan na ang modus at kuyugin ang mga biktima na may suot na mamamahaling relo.
"This is a rare chance to give the public insight into the work done by our undercover officers, which resulted in 31 robbers arrested in a 12-month period, all caught red-handed trying to steal high value watches in the heart of the West End," sabi ng Metropolitan Police Service.
Pamamaraan ito ng Metropolitan Police Service para arestuhin ang mga suspek na nasa likod ng mga serye ng nakawan sa ilang kalsada sa London.
Pakay ng mga suspek ang mga mamahaling relo na suot ng ilang mga biktima na madalas customer sa ilang mga club sa West End at Soho.
Pagkaraan ng mga sunod-sunod na undercover operation, bumaba umano ang bilang ng mga naitalang nakawan sa lugar. -- FRJ, GMA Integrated News