Dahil sa kagustuhan na makabili ng van na magagamit ng pamilya, sumabak sa ipon challenge ang isang pamilya. Nang buksan nila ang mga alkansya pagkaraan ng isang taon, namangha sila sa laki ng halagang naipon nila.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing umabot sa P2.3 milyon ang naipon ng nasabing pamilya na mula sa General Santos City.
Anim ang alkansiya na kanilang binuksan nitong bagong taon, na mga tig-P1,000 bills ang laman o kanilang inihuhulog.
Ang inilalagay nila sa alkansiya ay sobra sa kinikita nila sa kanilang mga negosyo.
Kuwento ng uploader na si John Paul, umaabot sa P10,000 hanggang P20,000 ang naihuhulog ng pamilya kada araw sa kanilang mga alkansya.
Ang pera na kanilang naipon ay mula sa mga negosyo na ipinamana ng kanilang lolo at lola, na pinatulungan naman ng pamilya na palaguin.
Hiniling ni John Paul na huwag nang idetalye ang tungkol sa kanilang mga negosyo para na rin sa kanilang privacy.
Naispan daw nila na sumabak sa ipon challege dahil gusto nilang makabili ng van na magagamit ng pamilya. Ang sosobra sa pambili nila ng van, gagamitin naman nila sa negosyo pa rin.-- FRJ, GMA Integrated News