Malamang na mapa-'how to be you po' ang ibang yaya kapag nalaman nila na aabot sa katumbas na P14 milyon kada taon ang kinikita ng isang nanny na nag-aalaga ng mga anak ng mga taong mayayaman at sikat.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing bukod sa malaking sahod na umaabot ng £200,000 kada taon, nakatatanggap pa umano ang yayamaning yaya na si Sonya Kumar, ng mga mamahaling regalo gaya ng designer items.
But wait there's more. Bukod sa cash bonus na natatanggap, nakapagbakasyon na rin umano si Sonya sa mga luxury hotel at resorts nang libre.
"Some offer me a gym membership, use of their swimming pools, and private healthcare. I've been gifted amazing things like £2,000 wine bottles, a Gucci belt, and La Mer beauty products," ayon kay Sonya na 11 taon nang yaya.
Kuwento niya, 17-anyos siya nang magsimulang pumasok bilang nanny. Kumuha siya ng karagdagang pagsasanay para madagdagan ang kaniyang skills, at sinamahan niya ng pagsisikap.
Nagbunga naman ang lahat nang magkaroon siya ng kliyenteng mayaman at naging highly-recomended nanny siya.
Kabilang daw sa mga naging kliyente ni Sonya ay mga diplomat, A-list celebrities, sports personalities at malalaking negosyante sa iba't ibang bansa.
Sa 11 taon ng kaniyang pagiging yaya, nakapagtrabaho na siya sa France, Amerika, Dubai, Greece, Italy at Barbados.
Gaya ng ibang nanny, nagluluto at naglilinis din si Sonya. Siya rin ang bahala sa mga pangangailangan ng mga batang inaalagaan niya.
Nagtu-tutor din umano siya kung kailangan.
Malaki man ang sahod, aminado si Sonya hindi naman biro ang kaniyang pagod bilang nanny ng mga high-profile clients na madalas ay marami umanong demands.
"The lifestyle and opportunities that come with the job are amazing, but you have to be on the top of your game all the time, " ani Sonya. "There's a lot of pressure when everything has to be perfect."— FRJ, GMA Integrated News