Sinuntok ng isang traffic enforcer ang isang lalaking nanapak din umano ng isang babae at rumespondeng traffic enforcer sa Mandaue, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa isang video ang dalawang traffic enforcer at isang lalaking nakaupo.
Tinatangkang talian ng mga awtoridad ang lalaki, na tila kumakawala.
Kalaunan, sinuntok na siya ng isa sa mga enforcer.
Bago ang insidente, sinuntok umano ng lalaki ang isang babae sa tiyan habang nag-aabang ito ng masasakyan.
Nanapak din ang lalaki ng rumespondeng traffic enforcer.
Sinabi ng traffic enforcement agency ng lungsod na maaaring napagtripan lang ng lalaki ang babaeng biktima.
Hawak na ng pulisya ang lalaking suspek na sasampahan ng karampatang reklamo.
Wala pang pahayag ang mga sangkot sa insidente.
—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News