Naniniwala ang isang mag-asawa na nag-aalaga ng baboy sa Batangas City na magiging suwerte sa kanila ang kanilang bagong silang na biik dahil mayroon daw itong dalawang ari na para sa babae at lalaki.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabi ng mag-asawang Edwin at Cristy Delos Reyes ng Barangay Balete, na 13 biik ang isinilang ng alaga nilang inahin noong Martes pero namatay kinalaunan ang dalawa.
Ang isa sa 11 biik na natira, kakaiba raw dahil sa dalawa ang ari nito na pambabae at panglalaki.
"Ngayon lang kami nakakita ng ganyan," ani Cristy na nagsabing may tatlong taon na silang nag-aalaga ng mga baboy.
Kung tuluyang mabubuhay ang kakaiba nilang biik, sinabi ni Edwin na hindi nila ito ibebenta at pagagawan nila ng sariling kulungan.
"Gagawin ko siyang pinaka...siya ang magdadala ng suwerte ba. Gagawa ko siya ng sariling kulungan," ani Edwin.
Ayon pa kay Edwin, malakas at malusog naman ang biik na nakikipag-agawan din daw sa pagsuso sa inahin.
Hermaphrodite ang tawag sa kondisyon kapag dalawa ang ari.
Pero ang tingin ng provincial veterinarians ng Batangas, hindi hermaphrodite ang biik. Sa halip, mayroon itong kondisyon na inguinal hernia o bumubukol na bituka.
"Hindi siya hermaphrodite. Female 'yan, hindi 'yon bayag," ani Dr. Romelito Marasigan, provincial veterinarian. "Wala rin siyang penis, babae 'yan, meron lang siyang inguinal hernia."
Inirekomenda ng doktor sa mag-asawa na ipaopera ang biik para malunasan ang problema nito sa kalusugan.
"Halimbawa 'yan eh mapapabayaan, magkakaroon ng constriction doon sa butas ng inguinal area niya. Pagka 'yan ay nagsara ay 'di mako-constrict yung blood supply dito sa bituka, ay 'di mabubulok 'yon. Bababa yung survival rate niya," paliwanag ni Marisigan.
Oobserbahan daw muna ng mag-asawa ang kilos ng biik at kung magkakaroon ng pagbabago ay dadalhin na nila sa espesyalista. --FRJ, GMA Integrated News