Mahigit isang linggo nang nawawala ang isang negosyante at ang isa nitong tauhan na mula sa Cuyapo, Nueva Ecija. Ang sinakyan ng dalawa na pickup truck, nakitang sunog sa Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang nawawalang negosyante na si Michael Lagrana at ang tauhan nito na si Julius Diaz.
Batay sa social media post ng asawa ni Lagrana, inihayag nito na nagpaalam ang kaniyang mister noong Enero 6, na may kukuning bayad sa isang lugar sa Cuyapo.
Subalit hanggang ngayon, hindi na nakakabalik ang dalawa.
Ang pick-up truck na kulay asul na ginamit ng dalawa nang umalis, nakitang sunog sa isang bakanteng lote sa Umingan, Pangasinan.
Nanawagan ng tulong ang pamilya ni Lagrana para sa sinumang may nalalaman sa posibleng kinaroroonan ng dalawa.
Tumanggi naman ang pulisya na magbigay sa ngayon ng pahayag dahil patuloy pa umano ang isinasagawa nilang imbestigasyon.--FRJ, GMA Integrated News