Nauuso ngayon ang silicone scar sheet na nagkakahalaga lang ng P150 na nakatutulong umano para pakinisin ang mukha na nagkamarka dahil sa taghiyawat. Totoo kayang epektibo ito at ligtas kayang gamitin? Alamin.

Dahil sa bilis niyang magkataghiyawat sa kaniyang mukha na tila bulutong sa dami at nagkakasugat-sugat pa, lumaking maraming insecurities ang isang 22-anyos na content creator na si Joshua Mar “JM” Vehemente.

“Growing up, madami nga po akong insecurities, especially 'yung face ko po. Mabilis po akong magkataghiyawat, especially during menstruation talaga. Nagiging scars and mahirap po talaga silang ma-fade,” kuwento ni Vehemente sa programang "Pinoy MD."

“Nagkasabay-sabay po ‘yun dahil sa stress, sa mga kinakain ko, kulang ng tulog,” dagdag niya.

Ayon kay Dr. Jenina Escalderon, Aesthetic Dermatologist, ang karaniwang dahilan ng scars sa mukha ay acne or pimple.

"Sa mukha natin, mas marami tayong blood supply. So ito 'yung dahilan kung bakit mas mabilis siyang gumaling kumpara po sa scar sa ibang parte ng katawan natin,” sabi ni Escaldero.

Dagdag pa niya, ang atrophic scar ang kadalasang nakikita sa mukha ng isang tao. Kapag tiniris ang taghiyawat, lumulubog ito at mas lumalalim ang pores ng balat at nagkakaroon ng kakulangan sa collagen.

Sa kaso ni Vehemente, umabot siya sa punto na hindi na matakpan ng make-up ang kaniyang taghiyawat. Umabot umano sa P10,000 hanggang P15,000 ang kaniyang nagastos para gumaling ang kaniyang taghiyawat.

Hanggang sa makita ni Vehemente sa social media ang isang dermatologist na nagmumungkahing gumamit ng silicone scar sheet sa halagang mababa pa sa P200.

Unang linggo pa lamang, unti-unti na raw napapansin ni Vehemente ang pagkawala ng dark spots sa kaniyang baba. Makaraan ang tatlong buwan ng paggamit ng silicone scar sheets, nawala na ang mga ito. Kaya hindi na siya gumagamit ng foundation kundi concealer na lang.

“Confident din po akong makiusap sa ibang tao. Hindi po kagaya noon na parang lagi ako naka-face mask. May cheaper way po talaga. Makikita mo lang siguro ‘yun if magtitiyaga ka. Talagang tinest (test) ko talaga siya just to make sure na effective,” anang dalaga.

Sinasabayan din ito ni Vehemente ng paggamit ng skin serum gaya ng Niacinamide, bago niya iiwas sa mukha ang silicone scar sheet.

“For silicone scar sheet, dapat po talaga gamitin lang natin siya for hypertrophic scar. Ibig sabihin 'yung mga nakaangat or elevated scar. Doon lang po siya magkakaroon ng effect,” ayon kay Escalderon.

Nagpaalala rin si Escalderon na mag-ingat sa paglalagay o paggamit ng kahit na ano sa mukha.

Ayon sa mga eksperto, dapat malambot, nababanat o flexible,  at banayad sa balat ang authentic scar sheet, at tiyakin na aprubado ng Food and Drugs Administration (FDA), at rekomendado ng eksperto.--- FRJ, GMA Integrated News