Ibinahagi ni BB Gandanghari na labis ang nararamdaman niyang sakit dahil sa mga pagkakataong hindi na siya nakikilala ng kaniyang ina na si Eva Cariño dahil sa edad nito.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, ibinahagi ni BB na umuwi siya sa Pilipinas nitong Setyembre dahil sa kaniyang kaarawan at sa kaniyang ina.

“Nandito ako last September because noon, si Mama kasi nag-deteriorate. So, hindi na siya masyadong nagsasalita. So, sabi ko, ‘Teka, uuwi ako.’ Si Robin naman sabi niya, ‘Sige, umuwi ka rito, dito ka na lang mag-birthday,” kuwento ni BB.

Ayon kay BB, nag-aaral siya ngayon sa isang film school sa Los Angeles at hectic ang kaniyang schedule, kaya siya hindi nakapagkumpirma kay Robin. Gayunman, pinakiusapan siya ng kapatid na umuwi.

Dahil dito, nagdesisyon si BB na sorpresahin ang kaniyang ina sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.

“Sinurprise ko siya. Kaya talagang hindi rin niya alam. Tapos sabi ko pa sa mga caregiver niya, ‘Meron akong darating na package ha, abangan ninyo.’ Hindi nila alam ako ‘yung darating.’ Kaya sinasabi nila kay Mommy, ‘Meron daw darating na package from BB.’”

Ibinahagi naman ni Tito Boy ang kuwento na isang araw bago ang pag-uwi ni BB sa bansa, nakatingin lamang si Mommy Eva sa bintana at tila may hinihintay.

“It wasn't even a surprise to me anymore. Kasi every time I would talk to her on the phone, she would ask 'yung caregivers niya ‘Sino siya?’ And it would break my heart. I would tell my friends sa Amerika na, I think it's the most painful na 'yung 'pag sinabi ng mama mo na, ‘Sino ka?’” ani BB.

Inilarawan ni BB na strong woman ang kaniyang ina, at nagsilbi ring ama sa kanilang magkakapatid pagdating sa pagdedesiplina para tiyakin na "hindi siya taken for granted."

“Because she's very strong. Nanay at tatay namin siya. Although nakikita namin ang papa namin, but she was very strong sa pagdidisiplina sa amin,” aniya.

Dahil naman sa paraan ng pagdesiplina sa kanila, sinabi ni BB na naging “very independent” siya dahil sa kanilang ina.

Naramdaman din daw ni BB ang pagtitiwala sa kaniya ng ina noong bata pa lamang siya.

“Plus the fact also… Ako kasi 'yung parang laging naaasahan niya pagdating sa, ako 'yung namamalengke. So nag-e-enroll ako sa sarili ko, ini-enroll ko si Robin. And giving me that kind of trust at a very young age. Of course, I never thought of this before. But now that I'm in the States and living my own life, doon ko lahat binubunot ‘yun,” kuwento ni BB.

Unang nakilala si BB bilang ang aktor na si Rustom Padilla. Taong 2006 nang aminin ni Rustom na miyembro siya ng LGBTQ+ community.

Sa isang post sa Instagram, nagbalik-tanaw si BB na Enero 16, 2009 nang bumalik siya sa Pilipinas at sinabing  "Rustom is dead."

Taong 2016 nang matupad ang pangarap ni BB na mapalitan ang kaniyang kasarian bilang isang babae sa mga legal na dokumento sa Amerika matapos na aprubahan ng korte sa California ang kaniyang petisyon.-- FRJ, GMA Integrated News