Ibinahagi ni BB Gandanghari na natanggap na ng kaniyang kapatid na si Senador Robin Padilla ang kaniyang transition mula sa pagiging lalaki patungo sa isang babae, at "sister" na ang turing sa kaniya.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, ipinakumpara ni Tito Boy kay BB ang relasyon nina "Rustom" at Robin bilang magkapatid noon, at si BB ngayon at Robin bilang magkapatid ngayon.
“Malaking difference. Kasi si Robin at si Rustom are brothers. So they treat each other as brothers. And then ang pinakamalaking pagkakaiba, tinitrato ni Robin si Rustom as ‘kuya,’” paglalahad ni BB.
Ngunit ngayon, ramdam na raw ni BB ang pagkilala sa kaniya ni Robin bilang isang kapatid na babae.
“Ngayon ang relasyon ko kay Robin is brother and sister. Ramdam na ramdam ko ‘yan kapag kasama ko ‘yan. Kapag nasa pila kami, ‘ladies first.’ Nagpunta kami sa mosque sa Taiwan. Naka-hijab ako na pumasok doon bilang babae. Nare-recognize nila.”
“He's treating me as a sister now, more than a brother. And then also, dahil iba na 'yung personality, parang tinatrato niya ako mas batang kapatid,” pagpapatuloy pa ni BB.
Hindi naman ikinaila ni BB na hindi rin naintindihan ni Robin noon ang kaniyang pagbabago at ayaw umano siyang makita ng kaniyang kapatid na actor-politician.
Ngunit nagbago raw ang lahat nang dahil sa kanilang ina na si Eva Cariño.
Nitong nakaraang taon, ibinahagi ni BB na kinumbinsi siya ni Robin na umuwi ng bansa para sa kanilang Mommy Eva, na humihina na ang katawan.
Samantala, para kay BB, si Mariel Rodriguez ang “best” sa mga nakarelasyon ni Robin.
“Si Mariel is, I think, with all due respect sa mga naging karelasyon ni Robin, I think she is the best thing that ever happened to Robin as far as 'yung relationship is concerned. Very swak silang dalawa and she's also very loving as far as kay mama,” ani BB.
Ayon pa kay BB, close rin siya sa anak ni Robin na si Kylie Padilla at kapatid nitong si Queenie. -- FRJ, GMA Integrated News