Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes na sa halip na bangkay ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa coal suffocation sa Kuwait ang maiuwi, bangkay ng isang dayuhan ang dumating at naibigay sa kaniyang pamilya.

Ayon kay Department of Foreign Affair (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, isang bangkay na pinaniniwalaan na mula sa Nepal ang dumating sa bansa, sa halip na ang mga labi ni ng OFW na si Jenny Alvarado.

“Tila sa ibang victim, from Nepal,” ani de Vega sa GMA News Online.

Ayon sa opisyal ng DFA, ang Department of Migrant Workers (DMW) ang namamahala sa repatriation ng nasabing OFW. Humingi na umano ng paumanhin sa nangyari si DMW Secretary Hans Cacdac.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang pahayag ng DMW sa nangyaring insidente.

Samantala, nagtungo si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio sa pamilya ni Alvarado sa Rizal nitong Lunes, at tiniyak niya na gagawin ng pamahalaan ang lahat para maiuwi sa bansa ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay.

“Ang OFW na ito ay isa sa mga nasawi dahil sa coal suffocation matapos malason sa usok mula sa heating system sa kaniyang pinagtatrabahuan sa Kuwait noong Enero 2,” ayon sa OWWA.

Nanawagan ang Samahan ng mga DH (domestic helpers) sa Gitnang Silangan sa DMW na magsagawa rin ng imbestigasyon sa nangyari kay Alvarado, bukod sa pagpapa-uwi sa kaniyang mga labi.

“When the DMW and OWWA delivered her remains to her family on January 10, the family discovered that the government officials brought the wrong person,” anang grupo. -- mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News