Sa tuwing lilinisin ng ina ang tenga ng kaniyang dalawang-taong-gulang na anak, tila naiirita raw ang bata. Kinalaunan, hindi na ito makatulog nang maayos at nilagnat. Nang silipin niya ang tenga ng anak, may maliit na bagay siyang nakita sa loob at tila may mga paa--mga garapata.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng ginang na si Anne Mendoza na dati na nilang napansin ng kaniyang asawa na may gumagapang na garapata sa higaan ng kanilang anak na si Pao Pao, 'di niya tunay na pangalan.
Nang minsan nga raw nangati at naging iritable ang kanilang anak na inakala nilang basa na ang diaper, may nakita silang garapata sa maselang bahagi ng katawan ng bata.
Kaya naman nang may makita siya ang garapata sa loob ng tenga ni Pao Pao, kinilabutan at nataranta raw si Anne.
"Hindi ko alam ang gagawin ko kay baby," anang ginang.
Kumuha ng panglinis si Anne at sinubukan niyang alisin ang mga garapa. Dito, nakakuha siya ng dalawang buhay na garapat sa tenga ni Pao Pao.
Nilagyan din niya ng baby oil ang tenga ng anak.
Hanggang sa dingding ng bahay, may nakikita ring mga garapa. Hinala ni Anne, galing sa kapitbahay nilang may aso ang garapa na katabi lang nila ang pintuan.
Aminado naman si Gil, may-ari ng aso, na may garapata nga ang kaniyang alaga. Kaya raw lagi na nila itong pinapaliguan.
Inilipat na rin nila ng puwesto ng aso. Gayunman, hindi pa rin tuluyang nawala ang garapa sa aso at maging sa kanilang bahay.
Ano nga ba ang tamang paraan para maalis ang mga garapatang pagala-gala sa bahay, at wala na kayang naiwang garapata sa loob ng tenga ni Pao Pao? Panoorin ang buong ulat sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News