Isang tricycle driver ang lumalabas na suspek sa pagpatay sa SEA Games Gold medalist na si Mervin Guarte, na sinaksak habang natutulog sa Calapan, Oriental Mindoro.
Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi umano ni Calapan City Police chief Police Lieutenant Colonel Roden Fulache, na inihahanda na nila ang reklamong murder na isasampa laban sa 31-anyos na suspek.
Inaasahan umano ni Fulache na maisasampa nila ang reklamo laban sa suspek sa susunod na linggo dahil kinukunan pa nila ng testimonya at sinumpaang salaysay ang mga saksi.
Ayon kay Fulache, residente rin sa lungsod ang suspek at kakilala ni Guarte.
Hinihinala ng pulisya na may matagal nang galit ang suspek sa biktima kaya nagawa nito ang krimen.
Patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad ang suspek.
Calapan Police, inihahanda na ang kasong murder laban sa isang tricycle driver kaugnay sa kasong pagpatay kay SEA Games Gold medalist Mervin Guarte. | via @SurfaceCarlo pic.twitter.com/5lUoNQ6XJ7
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 9, 2025
Una rito, natutulog si Guarte, 32-anyos, sa bahay ng kaibigang kagawad nang saksakin siya sa dibdib dakong 4:30 a.m. nitong Martes.
Nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima pero binawian din ng buhay kinalaunan.-- FRJ, GMA Integrated News