Nagwakas na ang pitong taong paghahanap ng isang ina sa kaniyang anak na lalaki na naglahong parang bula noong 2016. Ito ay matapos niyang kilalanin na gamit ng kaniyang anak na aksidenteng nakitang kasama sa kalansay na nahukay sa isang construction site sa Minglanilla, Cebu .
Sa ulat ng GMA News TV Balitang Bisdak, inireport sa pulisya nitong Miyerkules ang pagkakatuklas sa mga kalansay sa isang construction site sa Sitio Upper Lipata, Barangay Linao sa Minglanilla.
Kasamang nakita sa hukay ang ilang gamit gaya ng jersey shirt na may pangalang "Tapales," boxer shorts, black belt, baller bands, at face towel.
Makaraang malaman ni Saturnina Tapales ang pagkakatuklas sa kasansay, pinuntahan niya ito at kinumpirma na gamit nga ng kaniyang nawawalang anak na si Jolan Tapales ang mga ito.
Ayon kay Saturnina, 24-anyos noon ang kaniyang anak nang bigla itong mawala at hindi na umuwi noong 2016 sa Barangay Maghaway sa Talisay City.
Kinumpirma naman ng Minglanilla Municipal Police Station ang pahayag ni Saturnina tungkol sa nawawala nitong anak na inireport niya sa pulisya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa nadiskubreng kalansay. --FRJ, GMA Integrated News