Sobrang pagdadalamhati ang nararamdaman ng isang fur parent matapos niyang matagpuang patay na, may mga marka ng taga at posible pang sinilaban ang alaga niyang Siberian Husky sa Belison, Antique.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing hindi makapaniwala at emosyonal ang amo ni Nami na si Consuelo Vegafria sa dinanas ng kaniyang alagang aso.

Enero 7 nang makalabas si Nami sa kanilang bahay sa Barangay Sinaja.

Makaraan ang ilang araw, tumambad na lamang sa kanila si Nami na wala nang buhay at puno pa ng mga sugat. Pinaniniwalaang pinagtataga ang aso at pinagsasaksak.

Posibleng sinilaban din ang aso dahil sa mga nakitang lapnos sa ilang bahagi ng katawan nito.

"Sabi ko, 'aray.' Kinandong ko siya, pagtingin namin sunog na ang likuran niya. May tama ng pagkakataga at hinampas ang kaniyang ulo. Nabiyak ang kaniyang ulo at nakausli ang kaniyang mata. Pinatay talaga nila ang aso ko!" sabi ni Vegafria, may-ari ng aso.

Base sa kanilang natanggap na impormasyon, may hinabol na aso ang mga tanod ng Barangay Concepcion.

'''Yan ang aking pinanghahawakan... na ang kaniya umanong kaibigan na kasama niyang nanggagapas ng tubo, na ang mga tanod nag-operation, may hinabol daw na asong baliw,” sabi ni Vegafria.

Pinabulaanan naman ito ng mga opisyal ng barangay.

"Ako i-justify ko talaga na hindi namin ginawa... kasama ng mga tanod ko at kagawad. At isa pa, sasabihin ko lang, lalo na sa social media na hindi namin ginawa 'yan,'' sabi ni Kapitan Dante Bardinas ng Barangay Concepcion.

Nananawagan ang pamilya ni Vegafria na ipagbigay-alam agad sa kanila kung sakaling may impormasyong may kinalaman sa tunay na nangyari.

Pinakabatang miyembro na kung ituring ng pamilya Vegafria si Nami, na spoiled na spoiled.

Sa isang video ng pamilya, mapanonood na nakatapat na ang electric fan kay Nami, at bino-blower pa ang kaniyang balahibo.

Sa tuwing lalabas silang pamilya para mamasyal, nakapostura pa si Nami.

Nag-aalok ng pabuya ang pamilya ng P10,000, at dumulog na rin ang pamilya Vegafria sa pulisya upang imbestigahan ang nangyari. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News