Tila malamig ang pagtanggap ng mga tao sa kakaibang ice cream na ginawa sa London dahil sa pambihira nitong sangkap-- plastic.
Ayon sa GMA Integrated Newsfeed, marami ang nabahala at may ilang nagalit dahil sa plastic na ginamit bilang pampalasa sa ice cream na vanilla flavour.
Ito umano ang kauna-unahang pagkain na nabuo mula sa plastic waste.
Isang uri ng bacteria ang ginamit para ma-convert ang plastic at maging flavoring.
"The bacteria that I'm using in this process are basically engineered to break down the plastic and then transform it into vanillin, which is the molecule responsible for the vanilla flavor," ayon sa designer na si Eleoanora Ortolani.
Kasabay sa paggawa ng kontrobersiyal na ice cream ang panawagan para pag-ibayuhin ang pagre-recycle ng mga basura.
Sa kabila ng mga negatibong komento sa ice cream, sinabi ng biotechnologist na si Dr. Joanna Sdaler, na "misconception" na ituring pang plastic ang sangkap matapos dumaan sa proseso.
"I've even had members of the public email me saying it's irresponsible to encourage people to eat plastic. And I think that there's this perhaps misconception around what is actually is by the end of the process, that is no longer plastic," paliwanag ni Sdaler.
Paglilinaw naman ng gumagawa ng ice cream, hindi pa ito ipinapakain sa tao dahil hindi pa dumadaan sa mga pagsusuri para matiyak na ligtas itong kainin ng tao.
Sa ngayon, isa muna itong art installation na bahagi ng seryeng "Guilty Flavours" sa University of the Art London. --FRJ, GMA Integrated News