Inihayag ni BB Gandanghari na hindi biro ang pinagdaanan niyang transition mula sa pagiging lalaki patungo sa isang babae. Marami raw ang hindi nakaunawa at iniwan siya maging ng ilan niyang mga kaibigan.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ni BB na 16 taon na ang nakararaan mula nang isagawa niya ang kaniyang transition.

“It wasn't easy. It's the hardest,” pag-amin ni BB. “Contrary sa mga akala ng iba na everything was honeymoon, or everything was on a bed of roses. No, it was very difficult.”

“Maraming nawala. Maraming kasing nagtampo dahil part of my transition was actually to isolate myself. So maraming hindi nakaintindi roon sa isolation ko,” pagpapatuloy niya.

Hanggang ngayon, may ilan pa rin ang hindi umano nakauunawa sa kaniyang pinagdadaanan.

“I understand. Kasi hindi naman nila alam ‘yung pinagdadaanan ko. Siguro parang akala lang nila, akala lang na marami is, ‘She just disappeared,’ dahil hindi na tayo kilalang lahat. But on the contrary, it's really part of the transition,” paliwanag niya.

Gayunman, isa si Pops Fernandez sa kaniyang mga kaibigan na nanatili at kaniyang pinasalamatan.

“Si Pops ang it proved to be na talagang… meron kaming tampuhan, pero she understood all the way. Marami rin kasi kaming pinagdaanan,” sabi ni BB.

Sa isang post sa Instagram, nagbalik-tanaw si BB na Enero 16, 2009 nang bumalik siya sa Pilipinas at sinabing  "Rustom is dead."

Taong 2016 nang matupad ang pangarap ni BB na mapalitan ang kaniyang kasarian bilang isang babae sa mga legal na dokumento sa Amerika matapos na aprubahan ng korte sa California ang kaniyang petisyon.

Unang nakilala si BB bilang ang aktor na si Rustom Padilla.

 

Taong 2006 nang ihayag ni Rustom na miyembro siya ng LGBTQ+ community. -- FRJ, GMA Integrated News