Pumanaw ang isang bata matapos umanong atakihin sa puso habang nasa loob ng isang paaralan sa Ahmedabad, India. Sa kuha ng CCTV camera ng paaralan, makikita na may ilang bata na nakapansin sa kaniyang kalagayan habang nakaupo ngunit hindi siya kaagad nasaklolohan.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang walong-taong-gulang na si Gargi Tushar Ranpara, na tila may nararamdaman nang hindi maganda sa kaniyang katawan habang naglalakad sa pasilyo ng paaralan.
Hanggang sa umupo siya sa upuan sa gilid ng pasilyo na may ilang guro na nag-uusap. Ilang mag-aaral ang dumaan sa tapat ni Gargi at may sumilip pa sa kaniya pero umalis din kinalaunan.
Hindi nagtagal, dumausdos na sa pagkakaupo si Gargi at tila humihingi ng saklolo habang pilit na itinataas ang isa niyang kamay.
Ang mga guro na nag-uusap, hindi naman kaagad siya napansin. At nang makita na nila ang kagayan ni Gargi, nagmamadali na silang sumaklolo.
May nagbigay umano ng CPR kay Gargi, at saka nila itong isinugod sa ospital. Sa kasamaang-palad, hindi na nailigtas ang buhay ng bata.
Ang paaralan na mismo na Zebar School for Children ang naglabas ng CCTV footage.
"We are deeply saddened to share the heartbreaking news of the passing of our cherished student, Gargi Tushar Ranpara. Our thoughts and heartfelt prayers are with her family during this incredibly difficult time," ayon sa pamunuan ng paaralan.
Inihayag naman ng pulisya na magsasagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon at susuriin ang mga labi ng bata upang malaman ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay.-- FRJ, GMA Integrated News