Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang lalaki matapos na mang-agaw umano ng baril ng pulis sa loob ng police station at nagbaril sa sarili sa Valencia City, Bukidnon. Bago ang insidente, inamin umano ng lalaki na siya ang pumatay at gumahasa sa isang batang babae na nakita ang bangkay sa tubuhan.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, inihayag na person of interest (POI) ang lalaki sa pagpatay sa imang-taong-gulang na babae na anak ng isang overseas Filipino worker.
Nakita ang bangkay ng biktima na pinaniniwalaang ginahasa rin sa isang tubuhan noong Sabado, isang araw matapos siyang iulat na nawawala.
Ayon sa pulisya, kinabukasan ng Linggo, sumuko ang lalaki sa Valencia City Task Force at inamin umano nito na siya ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Ngunit habang gumagawa ng extra-judicial confession o salaysay sa harap ng abogado, sinabi ni Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joann Navarro, na inagaw umano ng lalaki ang baril ng pulis at nagbaril sa sarili.
Sinabi pa ni Navarro na nakaposas noon ang lalaki na nasa harapan ng kaniyang katawan. Itinutok umano nito ang baril at ipinutok sa ilalim na bahagi ng baba.
Dinala ang lalaki sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.
Samantala, nakatakda namang umuwi sa bansa ang nagluluksang ina ng biktima na isang OFW.
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya sa nangyari sa lalaki sa loob ng police station. --FRJ, GMA Integrated News