Humantong sa batuhan at habulan ang dalawang grupo ng kabataang propsmen matapos silang magkainitan sa "Sinulog sa Kabataan sa Dakbayan" sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, maririnig mula sa isang video ang isang babaeng sumisigaw habang inaawat ang gulo ng mga grupo ng mga kabataan.

Ilang saglit lang, nagsilundagan na galing sa isang truck ang mga kabataang sakay nito, at nagbatuhan at naghabulan ang mga lalaking sangkot.

Hindi na inabutan ng mga awtoridad ang gulo sa lugar, ngunit napag-alamang mga propsmen mula sa dalawang contingents na kasali sa "Sinulog sa Kabataan sa Dakbayan" ang mga sangkot.

Nag-umpisa umano sa loob pa lamang ng Cebu City Sports Center ang kanilang alitan, kung saan magkasunod na nagperform ang dalawang contingent.

Ipatatawag ng mga awtoridad ang dalawang grupong sangkot.

Dagdag ng mga awtoridad, isolated ang naturang insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News