Labis ang takot ng isang ginang sa Scotland matapos na pasukin ng isang lalaki ang kaniyang bahay at natulog sa kaniyang kama habang wala sila ng kaniyang anak. Nagawa pa ng lalaki na magpadala sa kaniya ng mensahe.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa CCTV footage sa loob ng bahay, na nakasapatos na humiga sa kama ang lalaking trespasser, saka nag-ayos ng unan at nagkumot.
Wala noon ang may-ari ng bahay na si Caitlin Sullivan, ngunit nasaksihan niya ang buong pangyayari nang mag-notify sa kaniyang cellphone ang CCTV sa kuwarto.
Agad na tumawag sa pulis si Sullivan kaya kinuha ng mga awtoridad ang lalaki.
Ngunit pagdating ni Sullivan sa bahay, lalo siyang natakot nang makita niya na nagkalat na ang kanilang mga gamit at may naiwan pang bakas ng dugo na hinihinalang galing sa lalaki.
Nadagdagan pa ang takot niya kinabukasan nang nagpadala sa kaniya ng mensahe via online ang lalaki para humingi ng paumanhin.
“To give you my sincere apologies, I don’t keep well. Thank you for letting me put my head down for three hours, hope no harm was done… Hope to meet you one day,” mensahe ng trespasser.
Palaisipan kay Sullivan kung bakit siya kilala ng lalaki.
Sinabi rin ng mga kapitbahay niya na gabi pa lang ay nagtangka na ang lalaki na pumasok sa kaniyang bahay.
Dahil sa insidente, takot nang umuwi si Sullivan lalo pa’t may maliit siyang anak.
“I haven’t been staying in the house since. I never want to go back to that house. It’s the fact that both me and my little boy sleep in that bed,” sabi ni Sullivan.
“If I was there, he would probably have climbed into my bed and slept next to me,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng nangyari, hindi tuluyang inaresto o kinasuhan ng pulisya ang lalaki.
“Officers attended and after being able to gain entry to the property spoke to the person within. No criminality was established and the [complainant] was spoken to. Police have received no further complaints or reports in relation to this incident,” paliwanag ng Scotland Police. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News