Agaw-pansin sa netizens ang kakaibang tema sa isang bistro sa City of Naga, Cebu. Ang mga upuan dito, mga inidoro at nasa arinola ang order na pagkain.

Sa ulat ni Niko Serreno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing bathroom-themed ang naisipang gawin ng may-ari ng kainan.

Nakuha umano ng may-ari ang tema sa toilet-inspired restaurant sa Taiwan.

Ang mga inidoro na ginawang upuan ng mga kostumer, nilagyan pa ng mga "palamuti" na mukhang dumi ng tao lalong magmukhang "makatotohanan."

Ang mainit na sabaw, nakalagay sa tila arinola na gawa sa lata. Habang nasa plastik na arinola naman ang kanin at iba pang putahe.

Ang mga panghimagas at palamig, nasa maliliit na lalagyan na disenyong inidoro rin.

Pero pagtiyak ng may-ari ng establisimyento na si Sarah Mae Enerlan Gamboa, malinis ang kanilang lugar, pagkain, at mga gamit.

“Moingon sila’g yucks daw ang place. No, it’s just a concept. Pero ang food, we make it a point nga clean and ma-serve jud siya nga quality,” ani Gamboa.

Bago rin ang mga inidoro na ginawa nilang upuan.

“Dili na ginamit. Bag-o gyud na tanan. Nakuratan pa gani ang hardware store kay 30 kabuok among gipalit,” dagdag ni Gamboa.

Dahil patok, magdadagdag pa sila ng ikalawang palapag para sa dumadami nilang mga kostumer.-- FRJ, GMA Integrated News