Sakay ng motorsiklo na minaneho ng kaniyang mister at bitbit ang plastic envelope na laman ang mga gamit sa pag-aaral, masayang nagbabalik sa eskuwela bilang grade 7 pupil ang isang 54-anyos na ginang sa Mandaue City, Cebu.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing apat na dekadang natigil sa pag-aaral si Demetria Bontilao, dahil pumanaw ang kaniyang mga magulang at kinalaunan ay nagkaroon ng sariling niyang pamilya.
Pero ngayon nakapagtapos na ang kaniyang mga anak, at mayroon na ring malapit na paaralan sa kanilang lugar, hindi na nagdalawang-isip si Bontilao na bumalik sa pag-aaral para abutin ang kaniyang pangarap sa edukasyon.
Ang kaniyang desisyon, suportado naman ng kaniyang mister at mga anak.
“Akong mga anak giingnan nako, nya ingon sila nga sige eskwela, Ma, kay mosuporta mi nimo,” ani Bontilao.
Kabilang si Bontilao sa mga estudyante ng bagong bukas na Tawason National High School sa Mandaue City.
Kuwento ng ginang, natigil siya sa grade 6 nang magkasunod na namatay ang kaniyang mga magulang.
Hindi na rin siya nakadalo sa graduation sa grade 6 noong 1982 sa Ramon Magsaysay, Zamboanga del Sur, dahil sa kawalan ng pera para makabili ng isusuot at sapatos.
“Igo ra ko nahuman sa Grade 6 ba, wala ko kapaso, kay walay ikapalit og itom nga sapatos ug puti nga sinina. Kay sinina pa man sa una, wa pa may toga,” saad niya.
Nang makapag-asawa at magkaanak, lalo pang naurong ang plano niyang pagbabalik-eskuwela dahil inuna niyang tutukan ang pag-aalaga sa mga anak.
Pero ngayong tapos na sa pag-aaral ang kaniyang mga anak, siya naman ang nagbabalik sa pag-aaral. Dala ang kaniyang report card noong grade 6, nag-enroll siya sa Tawason National High School.
“Bahala’g dako nako og edad…high school diploma akong pangandoy. Kanang college og kaluy-an sa Ginoo. Mag-maestra gyud kay magduwa-duwa mi sa una, ako may tigmaestra kunohay,” ayon sa ginang.
Kahit na inalok si Bontilao ng Alternative Learning System (ALS) na puwede rin naman siyang makakuha ng high school diploma, mas pinili ng ginang ang formal education para makasalamuha ang mga kapuwa niya mag-aaral at mga guro.--FRJ, GMA Integrated News