Walang kawala ang isang babaeng subject ng drug buy-bust operation sa isang bakanteng lote sa Barangay Karuhatan, Valenzuela City.

Arestado ang 46-anyos na suspek noong Sabado matapos mabilhan ng shabu ng pulis na nagpanggap na buyer.

Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa droga.

“This is an intelligence-driven operation. Mino-monitor siya ng mga operatiba natin dahil nag-avail ng plea bargaining. So gano'n pa rin, after a year bumalik pa rin siya sa trabaho niya,” ani Police Colonel Nixon Cayaban, ang chief of police ng Valenzuela City.

Nakuha mula sa suspek ang 140 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P952,000.

Ang ibang transaksyon ay pinapadaan daw online.

“‘Yung area of transactions specifically Valenzuela but according sa mga operatiba natin sa tactical interrogation and debriefing nila ay may mga kliyente rin siya sa Bulacan and somewhere in Laguna,” dagdag ni Cayaban.

Nakakulong ang suspek sa Sub-Station 2 ng Valenzuela City Police sa Gen T. De Leon.

Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KG, GMA Integrated News