Humingi ng tulong sa programang "Dapat Alam Mo" ang isang babae sa San Pablo, Laguna, dahil sa hindi na niya makayanan ang pagpapakita at pagpaparamdam ng pinaniniwalaan niya na dalawang kaluluwa ng babae na kasama niya sa kaniyang bahay.

Kuwento ni Sarah Deyparine,  bago pa nila mamana ang bahay ng kanilang magulang noong 1997, mayroon na umanong isang babae ang nagpaparamdam sa kanila.

Ang kaluluwa ng naturang babae, nagpaparamdam umano sa kaniya sa bahagi ng kanilang kusina at nakikita ng  kaniyang pinsan noong wala pang dibisyon ang kanilang bahay

Pero nang ipagawa nila ang bahay at nagpa-extend noong 2022, tila nagkaroon pa ng isang babae na nagpaparamdam naman sa loob mismo ng kanilang kuwarto.

Nakita raw ito ng isang manggagamot na pumunta sa kanilang tahanan.

Hanggang sa sunod-sunod na rin na nagkakasakit ang miyembro ng kanilang pamilya.

Hiningi ng programa ang tulong ng paranormal researcher na si Ed Caluag, na nagpunta sa bahay nina Sarah upang magsagawa ng imbestigasyon.

Kaagad na napansin ni Ed na hindi "welcoming" at "disturbed" ang isang babae na nagpaparamdam sa bahay.

“Itong nandito, galing lang siya sa ilog. So itong nandito na nakita niyo na galing sa ilog ay hindi tao, hindi siya kaluluwa,” sabi ni Ed patungkol sa umano'y elemento na nasa kusina na pinaniniwalaan ni Sarah na babae.

“Ang mabigat para sa akin ‘yung nandoon sa kuwarto. Siya ‘yung hindi nagwe-welcome sa akin eh. Siya ‘yung galit kanina,” dagdag ni Ed.

Pero sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natuklasan ni Ed na iisa lang talaga ang elementong kasama nina Sarah sa bahay at nagsisilbing "mirror" lamang ang isang babae na kanilang nararamdaman.

Sa pamamagitan ng ritwal kasama ang pinsan ni Sarah na bukas umano ang third eye kaya nakikita ang kakaibang nilalang, susubukan ni Ed na kilalanin ang elemento at alamin kung ano ang pakay nito. Tunghayan sa video ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News