Nasawi habang ginagamot sa ospital ang isang sanggol na isang-taong-gulang sa Digos City, Davao del Sur matapos umanong makagat ng alupihan.

Sa ulat ni RGil Relator ng Regional TV One Mindanao sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dinala ang biktima na si Hyacinth de Leon sa ospital nang mamaga ang leeg nito.

Noong una, inakala ng mga kaanak ng bata na bubuyog ang nakakagat sa kaniya. Pero may nakita umanong alupihan na gumapang mula sa bata.

“Nandiyan ang nurse at siya rin (nanay ng bata) ay nasa higaan ng bata, doon na may lumabas na centipede.” sabi ni Magdalena de Leon,  lola ng biktima.

“Sa tenga siguro ‘yun dahil sa ilalim ko naman nakita dahil puti ang cover ng higaan, pati ang unan ay puti rin. Klaro masyado siya,” dagdag niya.

Sa ikalawang araw ni Hyacinth sa ospital, pumanaw ang bata dahil sa "septic shock secondary to infected wounds and severe allergic reaction to allergens," na hinihinalang dahil sa alupihan.

Ayon sa Davao del Sur Provincial Environment and Natural Resources Office, may kamandag ang mga alupihan na mapanganib sa mga bata at sanggol.

“May venom sila, pero kung normal na tao as adult na siya, hindi siya fatal dahil may immune system tayo. Unlike mga babies, ang babies hindi pa masyadong developed ang kanilang immune system. Posible 'yon” paliwanag ni Deputy Protected Area Superintendent Camilo Victorias.

Pinayuhan din ng Digos City Health Office ang publiko na kaagad kumonsulta sa duktor kapag nagkaroon ng pamamaga at hirap sa paghinga kapag nakagat ng mga insekto.--FRJ, GMA Integrated News