Literal na tinitingala ngayon ang isang estatwa na nasa hangganan ng Pasig at Quezon City, na tinawag na “The Victor,” at may taas na 200 feet, o 60 meters.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing itinuturing pinakamataas na public art installations sa mundo ang "The Victor," na mas mataas pa umano sa mismong rebulto ng sikat na Statue of Liberty sa Amerika, na 47 meters lang ang taas kung hindi isasama ang pedestal o kinatatayuan nito.
Ayon sa lumikha ng "The Victor," ang estatwa ay simbulo ng tagumpay ng mga Pinoy sa buong mundo.
“It’s really the global Filipino. It is to honor those hardworking Filipinos who are doing global accomplishments and still sort of honoring their Filipino pride,” paliwanag ng Fil-Am artist na si Jefre Manuel-Figueras, ang nagdisenyo ng The Victor.
Bagaman mukhang gawa sa solid steel ang "The Victor,"" ipinaliwanag ng project manager ng estatwala na ginamitan ito ng "perforated" stainless steel para maging tumagos ang hangin at makayanan ang bagyo.
“That is one of the reason why it’s made of a perforated stainless steel, in order for the air and wind to pass through,” sabi ni architect Jerome Galarpe.
Inaasahan na papasyalan ng mga tao na nagtagumpay sa kani-kanilang larangan ang estatwa.—FRJ, GMA Integrated News