Nabulabog ang ilang residente sa Barangay Bacayao Sur sa Dagupan City, Pangasinan matapos nilang malaman ang “suspek” sa pagkawala ng kanilang mga alagang manok.
“‘Kyak!’ sabi ng manok. Akala ko may magnanakaw. Na-flashlight-an ng anak ko. Nakakatakot naman!” sabi ni Mildred Sison, isa sa mga nawalan ng alagang manok, sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon na mapapanood din sa GMA News Feed.
“Sino ‘yan, sino ‘yan?!’ sabi ko. Hanggang sa lumabas ako. Akala namin kung ano na. May malaking ahas pala!” sabi pa ni Sison.
Dahil dito, natukoy na ng mga residente na ang dahilan pala ng pagkawala ng mga alaga nilang mga manok ay isang sawa na mahigit 10 talampakan ang haba.
Nakita nila ang malaking sawa na nasa pader ng isang bahay. Dahil sa takot na baka may iba pang atakihin ang sawa maliban sa mga manok, pinagtulungan nila itong hulihin.
Hinala ng ilang residente, posibleng sa creek nanggaling ang ahas. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, nabulabog ang sawa dahil sa pagbaha.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News