Nag-alala ang isang ginang matapos niyang makitang kinakapitan ng sandamakmak na garapata ang asong napalapit na sa kaniya sa Boac, Marinduque. Ngunit ang mas ikinabahala niya, namugad na rin ang mga garapata maging sa dingding ng kanilang kapitbahay.
Sa nakaraang episode ng “AHA!”, mapapanood sa viral video ni Carmela Garde ang pagtawid ng mga garapata sa leash o tali ng asong si Buljig.
Nanggaling ang mga garapata mula sa dingding na tila feel at home pang namemeste maging sa bahay ng kanilang kapitbahay.
“Kato” naman ang tawag sa mga garapata sa Marinduque.
“Pagbuklat ko nangilabot ako, sabi ko ‘Ha?! Napakarami pala talaga niyang kato. Doon po sa pader nabigla ako kasi talagang ‘yun palang laman noon puro iba’t ibang size ng mga kato,” sabi ng concerned kapitbahay na si Garde.
“Doon ko siya nakita sa tali pala tumutulay,” dagdag ni Garde.
Ayon kay Garde, una niyang nakita si Buljig na puno ng napakaraming garapata dalawang taon ang nakalilipas. Pinakain niya ito at dito siya nagsimulang mapalapit sa aso.
Nawala na noon ang mga garapata kay Buljig, ngunit nagsimula na naman silang gumapang sa aso.
Mula sa pader, nakarating na rin ang mga garapata sa bahay ni Aljhon Lancion, ang amo ni Buljig.
“Five years na siya sa amin. Nagtatrabaho ako, minsan umuuwi ako pagabi na, hindi ko na siya naiinitindi. Naawa rin naman ako na sa aso namin nangyari ‘yon,” sabi ni Lancion.
Kaya inapuyan na ni Lancion ang pader at sinunog ang mga garapata, habang pinaliguan niya si Buljig ng tubig na may suka.
Paliwanag ni Dr. Joseu Victoria, Provincial Veterinarian sa Marinduque, maaaring mamahay ang mga garapata sa ibang lugar sa labas ng host o ng aso.
Maaari rin silang mabuhay sa mga crack ng pader, mga madadamong lugar, at iba pang lugar na may “conducive” environment.
Maaaring magkasakit ang isang tao kapag nakagat ng garapata, gaya na lamang ng Lyme disease na nagdudulot ng pananakit ng ulo, paulit-ulit na lagnat, pananakit ng kasu-kasuan at paninilaw ng mata dulot ng pagkasira ng atay.
Nang ipatingin kay Victoria, napag-alamang “low positive” si Buljig sa babesiosis, isang uri ng sakit sa dugo na magiging banta sa buhay niya kung hindi magagamot.
Inirekomenda rin ni Victoria na i-spray ang dingding na pinamamahayan ng garapata.
Tunghayan sa “AHA!” kung epektibo nga ba ang pagpatay sa garapata sa pamamagitan ng pagtitiris, at ano ang tamang paraan para mapuksa ang mga ito. —VBL, GMA Integrated News