Kahit nagtago sa masukal na talahiban, wala pa ring kawala sa mga humabol na pulis ang isang lalaking sangkot sa pagnanakaw umano ng sasakyan dahil sa kulay ng suot niyang jacket na may reflector pa sa Texas, U.S.A.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa drone video na kahit malayo pa ang kuha mula sa itaas, mapapansin ang kulay orange na bagay na nasa gitna ng mga halaman at talahib.
Ito pala ang hinabol ng mga pulis na lalaking suspek sa carnapping habang nakadapa sa talahiban para hindi siya makita ng mga awtoridad.
Batay sa impormasyon mula sa Aransas Pass Police Department, may tinangay na sasakyan ang lalaki at hinabol siya ng mga awtoridad.
Sa gitna ng habulan, iniwan ng lalaki ang sasakyan at kumaripas ng takbo patungo sa talahiban. Pero dahil sa gamit na drone ng pulisya at suot na jacket ng suspek na may reflector pa, madali siyang nakita.
Hindi na nakapalag ang suspek nang lapitan at arestuhin siya ng mga awtoridad.
Kaya tila pang-asar na payo ng pulisya sa mga nagpaplanong magnakaw ng sasakyan, "Might be wise not to dress like a road crew worker while running from the police in a stolen car and then trying to hide in heavy brush." --FRJ, GMA Integrated News