Nagdulot sa mga residente ng takot at kinalaunan ay tawa ang magkahiwalay na insidente ng paglitaw ng "kakaibang" nilalang na nag-doorbell sa kanilang tinutuluyan sa alanganing oras sa United Kingdom.
Sa Lake Wood District sa England, iniulat sa GMA News Feed na dakong 3:00 am nang tumunog ang doorbell sa tinutuluyan ng mag-asawang John at Rebecca Wood na nagbabakasyon ng panahong iyon.
Nang silipin nila ang doorbell camera, wala muna silang nakita. Kinalaunan, may lumitaw na mga galamay.
Nang suriin nilang mabuti ang buong footage, napatawa sila nang makita nila na isang malaking gagamba pala ang nagpatunog sa doorbell.
Kahit natakot sa laki ng gagamba, nakampante na rin ang mag-asawa dahil natiyak nilang hindi isang kababalaghan ang pinagmulan ng ingay ng doorbell.
Sa Essex, nangamba rin si Lianne Jennings nang tumunog ang doorbell sa bahay niya noong 2021 at may nakita sa camera na hindi pangkaraniwan.
Natutulog na noon si Jennings nang mag-notify ang kaniyang smartphone na may kakaibang aktibidad na nakunan ang doorbell camera.
Natakot din noong una ang may-ari dahil sa kaniyang nakita.
“When I showed my friends, they were a bit freaked out – they gave me the kind of look like they thought there was a ghost or an alien or something,” sabi ni Jennings.
Pero nang i-rewind ni Jennings ang buong footage para makita ang "misteryosong" nilalang, ang naramdaman niyang takot, napalitan ng katatawanan.
Nakita kasi niya na isang slug o moluska na hawig sa suso ang may kagagawan ng pagtunog ng doorbell at kakaibang umahe.
“That made me laugh because I don’t believe in aliens. I’ve had the doorbell for about a year now and my daughter found it very funny,” sabi ni Jennings. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News