Tinatayang nasa 1.8 milyon na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang dumalo sa peace rallies sa buong bansa nitong Lunes, ayon sa Philippine National Police (PNP).

“As of 12 noon today, more or less ay nasa 1.8 million na po nationwide ang na-monitor natin na estimated crowd,” saad ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa press briefing.

“Ang bulk po niyan na more or less 1.5 million to close to 1.6 million po ay nasa Quirino Grandstand po ngayon,” ayon pa sa opisyal.

Naging mapayapa naman ang kabuuan ng pagtitipon, saad  pa ni Fajardo. Sinabi rin ni Manila Mayor Honey Lacuna na wala silang natanggap na impormasyon na may nangyaring hindi maganda.

"Maraming salamat sa ating mga kababayan na ating pinanawagan na mapanatili na mapayapa ang ating pagtitipon ngayon...Sa lahat ng ating kahandaan, maayos naman po," anang alkalde.

Nagsimula ang programa ng INC dakong 8 a.m. at nagtapos ng 6:00 pm sa Quirino Grandstand sa Manila, at ilan pang lugar sa ilang rehiyon. Ayon kay Fajardo, ang ilan pang lugar na pinagdausan ng pagtitipon ng INC ay sa:

  •     Sports Complex sa Ilagan City
  •     Provincial Capitol sa Palawan
  •     Sawangan Park sa Legazpi City
  •     Freedom Grandstand sa Bacolod City
  •     Ormoc City Plaza sa Leyte
  •     South Road Properties (SRP) Grounds sa Cebu City
  •     Pagadian City Proper sa Zamboanga del Sur
  •     Plaza Divisoria sa Cagayan de Oro City
  •     San Pedro Square sa Davao City
  •     Butuan Sport Complex sa Agusan del Norte

Nasa 8,000 tauhan ng PNP ang ipinakalat sa naturang pagtitipon, ayon kay Fajardo.

Nitong Lunes, inihayag ng Malacañang na umaasa sila na malilinawan ang ilang usapin na kinakaharap ng bansa sa idaraos na “National Rally for Peace” ng INC.

“We view today’s assemblies as part of the national conversation we should be having as a people to bring clarity and consensus on issues that face us all and affect our future,” ani Executive Secretary Lucas Bersamin sa inilabas na pahayag.

Ilan sa mga dumalong miyembro ng INC sa Quirino Grandstand ang umaapela ng pagkakaisa at kapayapaan sa harap ng nangyayaring hidwaan sa pulitika.

“Nagkakagulo talaga. ‘Yung mga tao sa Kongreso, sa Senado, magulo sila. Gusto nilang paguluhin ang bansa,” ayon kay Suzete Sibulo na mula sa Lucena, Quezon.

Una rito, inihayag ng mga lider ng INC na ang pagtitipon ay suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos na huwag i-impeach si Vice President Sara Duterte dahil hindi ito makabubuti sa bansa.

Ang 16-anyos na si Benedick na mula sa Bulacan, kasama sa mga dumalo sa pagtitipon ng INC, umaapela kay Marcos na huwag payagan na ma-impeach si Duterte "para hindi masyadong magkagulo ang bansa natin.”

Tatlong impeachment complaints ang inihain laban kay Duterte sa Kamara de Representantes. — mula sa mga ulat nina Joviland Rita/Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News