Inaasikaso na para maiuwi sa Pilipinas ang bangkay ng isang Filipina migrant na pinatay umano ng kaniyang asawa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes.
“Possible within the week kasi nakuha na ang autopsy report. Pero hindi po guaranteed,” pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega sa ipinadalang mensahe sa GMA News Online.
Nitong Linggo, inihayag ng DFA na nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Vienna sa mga awtoridad sa Slovenia para sa repatriation ng labi ng biktimang si Marvil Facturan, at mabigyan ng katarungan ang kaniyang pagkamatay.
Sinabi rin ng DFA na tumutulong din ang Philippine Honorary Consul sa Bratislava para sa pagkuha ng mga impormasyon at koordinasyon para sa pagpapauwi ng mga labi ng Pinay.
Nasa bakasyon umano sa Bled, Slovenia noong December 29, si Facturan at ang mister niyang suspek na si Mitja Kocjancic, nang mangyari ang krimen, ayon sa Commission on Filipinos Overseas, na kinondena ang nangyaring krimen.
“We extend our thoughts and prayers to Marvil's family. We stand in solidarity with them, condemning acts of domestic violence, seeking justice for our kababayan, and honoring the beautiful life she lived," ayon sa komisyon.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras," sinabing pinatay sa saksak ang biktima at naaresto ang suspek na Slovenian.
"Mula doon sa mga report na nakalap ng pulis ang narinig ay may away na napunta sa pagsaksak sa biktima," ayon kay Ambassador Evangelina Lourdes Bernas ng Philippine Embassy to Vienna. "Sabi ng pulis, pagpasok nila doon sa apartment patay na 'yung biktima, wala nang buhay." — FRJ, GMA Integrated News