Naglabas ng gag order ang Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) para pagbawalan si Vic Sotto at ang kaniyang mga kinatawan na magsalita sa publiko tungkol sa isinampa nilang reklamo laban sa direktor na si Darryl Yap, kaugnay sa teaser ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Inilabas ng korte ang utos bilang tugon sa petisyon ni Yap, na pinasasagot sa writ of habeas data na isinampa ni Sotto sa Muntinlupa RTC Branch 205.
Ayon sa kampo ni Yap, kasama sa ihahain nilang tugon sa reklamo ni Vic ang hindi pa nailalabas na pelikula kaya nais nilang pigilan ang TV host-actor magbigay ng impormasyon sa publiko tungkol sa usapin upang mapanatili ang patakaran ng sub judice, at ang kalayaan sa pagpapahayag ng direktor, at ang integridad ng sining sa likha nito.
“The Petitioner and any person acting for and on behalf of the petitioner are enjoined from publicly disclosing or discussing the contents of the verified return to be submitted by the respondent in this case, as well as any matters learned from the proceedings of this case,” saad ng korte sa tatlong-pahinang kautusan.
“All parties are directed to observe strict confidentiality in compliance with the sub judice rule, ensuring that the case proceedings and any related matters remain undisclosed to the public until resolved,” dagdag nito.
Inatasan din ng korte ang kampo ni Vic na tumugon sa motion for consolidation na inihain ng kampo ni Yap.
Hiniling ni Yap sa korte na pagsama-samahin ang 19 counts of cyber libel na isinampa ni Vic laban kay Yap sa Office of the Prosecutor sa Muntinlupa.
Kaugnay nito, tumanggi ang kampo ng TV host-actor na magkomento pa.
Una rito, hiniling ni Sotto sa korte na utusan si Yap na alisin sa mga promotional materials, teaser video, at iba pang content na may kaugnayan sa pelikula.
Hiniling din ni Vic sa korte na pigilan si Yap na ipakalat pa ang mga materyales tungkol sa pelikula.
Nilinaw ng korte na bagaman pinagbigyan ang writ ni Vic, pinasasagot lang nito si Yap kaugnay sa petisyon.
Una rito, sinabi Atty. Enrique Dela Cruz, abogado ni Vic na, na ang paglalabas ng korte ng temporarily writ of habeas data ay nangangahulugan din ng pag-uutos kay Yap na alisin ang mga materyales tungkol sa pelikula, partikular ang kontrobersiyal na teaser na inakusahan si Vic na nanggahasa kay Pepsi.
Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya.
“The petitioner mistakenly believed that the issuance of the writ already constituted the granting of the relief sought in their Petition for a writ of habeas data. This Court emphasizes that the issuance of the writ merely serves as a procedural directive requiring the respondent to submit a verified return,” ayon sa korte.
Muling itinakda ang pagdinig sa kaso sa January 17, 2025. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News