Isang kanal sa Kiamba, Sarangani ang agaw-pansin sa mga dumadaan dahil sa naglalakihang isda na makikita rito, partikular ang mga tilapia na umaabot sa limang kilo ang bigat.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo" ni Katrina Son, sinabing tinawag na "Enchanted Canal" ang naturang daluyan ng tubig na nasa tabi ng mga kabahayan.
Ang residenteng si Ricardo Arguilles Jr., ang nagbigay ng pangalan sa kanal na "enchanted" dahil sa mga isdang nabubuhay dito kahit pa bahagi ito ng main drainage.
Ayon sa ama ni Ricardo na si Mang Boy, taong 2016 nang namigay ng semilya ng tilapia ang lokal na pamahalaan sa mga residente.
Dalawang supot umano ng semilya ang ibinigay kay Mang Boy. Ang isang supot, inilagay niya raw sa kanilang farm, habang ibinuhos naman niya sa canal na malapit sa kanilang bahay ang isa pang supot.
Ginawa raw ito ni Mang Boy para subukan kung mabubuhay at lalaki ang mga tilapia.
At laking gulat nga nila nabuhay ang mga isda at gumanda pa ang kanilang kanal na malinaw ang tubig. May iba na ring isda na galing sa dagat ang nakikita sa naturang kanal.
Ayon kay Mang Boy, umaabot ng limang kilo ang bigat ng malaking tilapia.
Ang mga tao na napapadaan sa kanal, hindi maiwasang tumigil para pagmasdan ang mga isda.
Sinabi ni Ricardo, na bahagi pa rin ang enchanted canal ng main drainage o dinadaluyan ng ginamit na tubig tulad sa paglalaba, pinagpaliguan o pinaghuhugasan ng pinggan.
Sa kabila ng dumi at kemikal na posibleng nakahalo sa tubig, nanatiling buhay na buhay ang mga isda.
Tila may silbi naman sa kanal ang mga isda dahil sinasabing noon pa man, pinaparami na sa Egypt ang mga tilapia para labanan ang mga sakit gaya ng dengue.
Kinakain kasi ng mga tilapia ang mga kiti-kita na nagiging lamok na nagtataglay ng virus na nagdudulot ng sakit. --FRJ, GMA Integrated News