Masaya ngayong naglalaro at nakapagtapos na ng kindergarten ang conjoined twins na binigyan lang noon ng dalawang porsiyentong tiyansa na mabuhay matapos silang isilang na magkadikit ang mga ulo.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing isinilang sina Abby at Erin na magkadikit ang ulo, o tinatawag na craniopagus twins, isang kondisyon na magkadikit ang cranium o bungo at iisa ang ilan nilang brain tissues.

Buntis pa lang ang kanilang inang si Heather Delaney nang sabihan na siya ng mga doktor na maliit lamang ang tiyansa na mabuhay ang kambal.

Taong 2017 nang sumailalim sa 11 oras na operasyon ang kambal upang paghiwalayin ang kanilang mga ulo. Noong mga panahong iyon, ilan pa lamang ang sumasailalim sa ganoong klaseng operasyon kaya labis ang takot at pag-aalala ng kanilang mga magulang.

Pagkatapos ng operasyon, matagumpay na napaghiwalay sina Abby at Erin. Halos hindi makapaniwala ang kanilang mga magulang, na labis na ikinatuwa ang operasyon.

Kahit nagkaroon ng kapansanan ang mga bata, hindi ito inalintana ni Delaney. Basta siya na kapiling ang mga anak na magkahiwalay.

“There are days now where I sit back and think, ‘I can't believe how incredibly lucky we are.’ Yes they have disabilities and things they’re working through, but they’re so happy,” sabi ni Delaney.

Makalipas ang ilang taon, masigla nang nakapaglalaro sina Abby at Erin at malapit nang magdiwang ng kanilang ika-7 kaarawan.

Mas sumaya pa ang kanilang mga magulang nang makapagtapos na rin sila ng kindergarten.

Mapapanood sa isang video ang pagmartsa ng kambal sa kanilang graduation day suot ang magkaternong damit.

"Watching them graduate, it was like we were dreaming. It's one of those things where you feel like it'll never come. We don't yet know what they can accomplish so the sky is the limit for them,” sabi ni Delaney.

"Our goal in sharing our story is to try and reach any other parents faced with the same type of pregnancy we were - to give them hope. We want to show there is the possibility they can be separated and then lead healthy and happy lives,” mensahe ni Delaney sa mga magulang na may conjoined twins. --FRJ, GMA Integrated News