Pinatayong lechon na sinuotan ng school uniform at lechon na isinakay sa "ambulansiya." Ilan lang 'yan sa 100 lechon na isinali sa masaya at makulay na Lechon Festival 2023 sa Balayan, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing ang parada ng lechon ay bahagi ng tradisyon sa kapistahan ni San Juan Bautista nitong weekend.
Maliban sa masayang basaan, isa sa mga inaabangan ng mga residente at mga turista ang makulay na parada ng lechon na nilagyan ng iba't ibang kasuotan.
Bukod sa lechon na pinatayo at sinuotan ng school uniform, at lechon na nasa kunwaring ambulansiya, may lechon din na nagmukhang engineer, lechon na nakasuot ng PPE, at lechon na sinabitan ng lato-lato.
"Ito po ay bilang pasasalamat sa Santo San Juan Bautista. Kapag may lechon, ay! talagang may selebrasyon," sabi ni Gee Layola, Tourism officer, Balayan-LGU. -- FRJ, GMA Integrated News